lundi 4 novembre 2013

Sino ang nagbawal ng Pagkain ng Dugo?

Ang Iglesia ni Cristo ay lubusang sumusunod sa mga utos ng Diyos na nakasulat sa biblia. Kahit sa pagbabawal ng Diyos sa pagkain ng dugo ay lubusan itong sinusunod ng mga kaanib, ito po ang tinutuligsa ng kaibayo natin sa pananampalataya. Sinasabi nila na ang pagbabawal ng pagkain ng dugo ay imbentong aral lang ng mga Ministro sa loon ng INC. ngayon po ay ating pag aralan kung sino talaga ang nagbabawal sa pagkain ng dugo? Kalian ba ito ipinagbawal? Anu ang dahilan kung bakit ito ibinawal? Isa isahin nating sagutin ang mga tanong sa ating pag aaral ngayon. Inyo pong basahing mabuti at makatulong nawa ito sa mga nagsusuri. Sino po ba ang nagbawal ng pagkain ng dugo? Dito tayo magpasimulang bumasa sa

Genesis 9:1-4At binasbasan ng Dios si Noe at ang kaniyang mga anak, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa. At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay. Bawa't gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo. Nguni't ang lamang may buhay, na siya niyang dugo, ay huwag ninyong kakanin.’’


Ang tanung natin ay sino po ang nagbabawal ng pagkain ng dugo? Maliwanag po ang panginoong Diyos. Ang talatang ating binasa ay sa panahon ng binasbasan ng Diyos si Noe at ang kanyang sambahayan. Anu ang pagkaing ibinigay ng Diyos sa kanila? Ang sabi . “At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay. Bawa't gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo.” Maliwanag po kung anu ang pagkaing ibinigay ng Diyos, ngunit anu lang ang kanyang ipinagbawal na kainin ng mga tao? “Ang lamang may buhay, na siya niyang dugo ay huwag ninyong kakanin” letra por letra po sinabi at ipinag bawal ng Diyos na kainin ng mga tao ang dugo, na ang kanyang sinabihan ay ang lahat ng mga tao. Anu ang pagtuturing ng Diyos sa mga taong kumakain ng dugo? Ganito ang nakasulat sa


Levitico 17:10-11 “At sinomang tao sa sangbahayan ni Israel o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, na kumain ng anomang dugo, ay aking itititig ang aking mukha laban sa taong yaon na kumain ng dugo, at ihihiwalay ko sa kaniyang bayan. Sapagka't ang buhay ng laman ay nasadugo; at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa: sapagka't ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay.”


Napaka laking kasalanan po pala sa Diyos ang pagkain ng dugo anu ang sabi mismo ng Diyos?:“aking itititig ang aking mukha laban sa taong yaon na kumain ng dugo, at ihihiwalay ko sa kaniyang bayan”. Maliwanag na magiging kaaway ng Diyos ang tao, at ihihiwalay siya o ititiwalag siya sa kaniyang bayan, sa bayan ng Diyos. Kaya nga po natitiwalag sa Iglesia ang sinomang kumain ng dugo.


Niliwanag din ng Diyos na ang dugo ay “pantubos ng buhay”, hindi nga ba’t ang isang taong naubusan ng dugo dahil sa panganganak o aksidente, ay naililigtas sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo sa kaniya? At higit sa lahat ito’y pantubos sa kaluluwa, na ang ibig pong sabihin ay maaari po tayong matubos ng dugo sa ating mga pagkakasala sa Diyos, at iyon nga po ay sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo:


Hebreo 9:13-14 Sapagka't kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka, at ang abo ng dumalagang baka na ibinubudbod sa mga nadungisan, ay makapagiging banal sa ikalilinis ng laman: Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay?”


Kaya po marapat na ating igalang at pahalagahan ang dugo sa pamamagitan ng hindi pagkain nito. Sundin po natin ang pagbabawal na ito ng Diyos. Napakalinaw po at banal ang kaniyang dahilan kung bakit hindi niya ito ipinakakain sa atin. At tinitiyak ng biblia na hindi maliligtas ang mga taong kumakain ng dugo. Kaya patuloy paba kayo sa pagkain ng dugo o dinuguan? Matapos ninyo malaman na bawal ito kainin ay dapat na ninyo itong iwan o huwag na kumain pa.


Ngunit iminamatuwid po ng iba na hindi po purong dugo ang kanilang kinakain, bagkus ay mayhalong dugo lang na ang tawag nga nila ay dinuguan. Pinapayagan na po ba kumain ng laman na may dugo o dinuguan? Ito ang naka sulat sa


Deuteronomio 12:22-23 “Kung paano ang pagkain sa maliit at malaking usa, ay gayon kakanin; ang marumi at ang malinis ay kapuwang makakakain niyaon. Lamang ay pagtibayin mong hindi mo kakanin ang dugo: sapagka't ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakanin ang buhay na kasama ng laman.”


Maliwanag na sinabi ng Diyos na:“sapagka't ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakanin ang buhay na kasama ng laman”. Sa madaling salita, huwag kumain ng laman at dugo na magkasama. Hindi po ba sangkap ng dinuguan ay dugo at laman? Kaya maliwanag na bawal ang dinuguan, o alinmang pagkaing sinangkapan o nilagyan ng dugo. Kahit sabihin pa ng mga pilosopo na masarap pagmay puto. Panu kung nais nating kumain ng karne anu po ba ang dapat nating gawin? Anu po ang ipinag uutos kung tayo ay magkakatay ng Hayop upang kainin? Basahin natin ang nakasulat sa



Levitico 17:13
“At sinomang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila na manghuli ng hayop o ng ibon na makakain; ay ibubuhos niya ang dugo niyaon at tatabunan ng lupa.”


Maliwanag po ang utos na dapat ibubuhos o patutuluin ang dugo at tatabunan ng lupa. Hindi sasahurin at tatabunan ng bigas. Samadaling salita itatapon po ang dugo ng anumang hayop na ating kakatayin upang kainin. Paano kung dumanas ng tag-gutom at walang makain, baka maawa ang Diyos at payagan na niyang kumain ang tao ng dugo? Basahin natin ang naging pangyayari noon na nakasulat sa


1 Samuel 14:32-33 “At ang bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, at mga baka, at mga guyang baka, at mga pinatay sa lupa: at kinain ng bayan pati ng dugo. Nang magkagayo'y kanilang isinaysay kay Saul, na sinasabi, Narito, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon, sa kanilang pagkain ng dugo. At kaniyang sinabi, Kayo'y gumawang may paglililo: inyong igulong ang isang malaking bato sa akin sa araw na ito.”


Kinain noon ng bayang Israel pati ang dugo nung panahon na sila’y dumaluhong sa samsam o nakaranas ng matinding tag-gutom. At ang sabi nga ni Haring Saul, ang hari noon ng Israel:“Narito, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon, sa kanilang pagkain ng dugo.” Maliwanag na kahit pa kapusin sa pagkain ang isang bayan, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi dapat at kailan man magtangka na ito ay kainin. Eh paano nasolusyunan ni Haring Saul ang suliraning ito? Narito ang kaniyang ginawa:


1 Samuel 14:34 “At sinabi ni Saul, Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, Dalhin sa akin dito ng bawa't tao ang kaniyang baka, at ng bawa't tao ang kaniyang tupa, at patayin dito, at kanin; at huwag nang magkasala laban sa Panginoon sa pagkain ng dugo. At dinala ng buong bayan, bawa't tao ang kaniyang baka nang gabing yaon at pinatay roon.


Ipinadala ni Haring Saul sa kaniyang harapan ang lahat ng hayop na papatayin upang kaniyang matiyak na hindi na magkakasala ang bayan laban sa Panginoong Diyos dahil sa kanilang pagkain ng dugo na mahigpit niyang ipinagbabawal.


Ang kabawalan ba sa pagkain ng Dugo ay sa panahon lang ng lumang tipan o mga unang lingkod ng Diyos? Namamalagi ba ang kabawalang ito hanggang sa panahong Cristiano? Biblia po ang pasagutin natin sa aklat ng mga Gawa


Acts 15:28-29 “The Holy Spirit and we have agreed not to put any other burden on you besides these necessary rules: Eat no food that has been offered to idols; eat no blood; eat no animal that has been strangled; and keep yourselves from sexual immorality. You will do well if you take care not to do these things. With our best wishes." [Good News Bible]


Sa Filipino:



Mga Gawa 15:28-29
“Ang Espiritu Santo at kami ay nagkasundo na huwag na kayong atangan ng mabibigat na pasanin maliban sa mga tuntuning ito na talagang kailangan: Huwag kayong kakain ng mga pagkaing inihandog sa mga diosdiosan; huwag kayong kakain ng dugo; huwag kayong kakain ng hayop na namatay sa pagkabigti; at umiwas kayo sa mga imoralidad na seksual. Mapapabuti kayo kung iiwasan ninyong gawin ang mga bagay na ito. Lubos ang aming pagbati.”


Maliwanag na ipinahayag ng mga Apostol na minagaling ng Espiritu Santo ang kautusang ito, samakatuwid ito ay kautusang mula sa Espiritu Santo, mahigpit na pinagbawalan noon ang mga Gentil na nais umanib sa Iglesia na huwag kumain ng mga pagkaing inihain sa mga Diosdiosan [Mga pagkaing inihahanda sa Fiesta – na inihahanda para sa kaarawan ng mga larawan at mga rebulto], ng dugo, at hayop na binigti [Yung mga hayop na namatay sa pagkalunod, o mga namatay na hindi lumabas ang dugo – gaya ng “botcha”], at huwag makikiapid. Kaya maging sa panahon natin ngayon ay ipinagbabawal pa din ang pagkain ng dugo.


Kaya po napakalinaw na maging sa panahon natin ngayon ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng dugo, kaya po dapat na umiwas ang lahat ng tao sa panahon natin sa ganitong mga gawain, hindi ito pinahihintulutan ng Diyos. Pagkatapos malaman ng Tao ang katotohanang ito na bawal ng Diyos ang pagkain ng dugo at ginawa parin nya ito, anu ang tinitiyak na sasapitin niya. Ganito ang nakasulat sa



Hebreo 10:26-27
Sapagka't kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.”


Ang sabi “ wala nang haing natitira pa tungkol sa ma kasalanan” Hindi na po mapapatawad ng Diyos kung magpapatuloy pa sa pagkain ng dugo kung sa kabila ng katotohanang nalaman natin na ito ay kaniyang mahigpit na ipinagbabawal, ang ganitong pagkakasala ay tinatawag na: “kasalanang sinasadya”, ang gumagawa ng pananadya ay ituturing na niyang kaaway, at ang tangi na lamang nating hinihintay ay ang kabangisan ng apoy na siyang parusang kaniyang ibibigay sa Araw ng Paghuhukom sa mga taong lumabag sa kaniyang mga utos. Kaya huwag na po tayong kakain ng dugo magmula ngayon na inyong nabasa ang katotohanang ito.


Dagdagan pa natin ang paliwanag, hindi ba sinabi ng mga Apostol na: “Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin” na ang ibig sabihin ay: ang kautusang ito ay kautusan ng Espiritu Santo, gaano po ba kabigat kapag ating nilabag ang utos ng Espiritu Santo?


Mateo 12:31Kaya't sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa't ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.


Wala pong kapatawaran sa harap ng Diyos ang paglabag sa utos ng Espiritu Santo, kaya po kahit na ano ang mangyari, mula ngayon ay huwag na huwag na po kayo kakain ng dugo matapos na ating malaman ang katotohanang bawal pala ito ng Diyos. Dahil kaya pong patawarin ng Diyos ang lahat ng ating kasalanan, maliban po sa pagkain ng dugo.


Nagagawa po nating sumunod sa tao, hindi po ba? Kapag po sinabi sa atin ng isang Doktor na huwag tayong kumain ng bawal sa atin dahil makakasama sa ating kalusugan ay agad nating sinusunod sa takot nating mapasama ang ating katawan. Lalong dapat nating sundin ang pagbabawal na ito ng Diyos, dahil ang paglabag dito ay magdudulot sa atin ng lalong higit na kapahamakan, at ito’y ang kaparusahang walang hanggan sa apoy, pagdating ng Araw ng Paghuhukom.






via Symbianize Forum http://www.symbianize.com/showthread.php?1075403-Sino-ang-nagbawal-ng-Pagkain-ng-Dugo&goto=newpost

Aucun commentaire:

Enregistrer un commentaire